SHARJAH, UAE – Humarap sa korte ang isang 36-anyos na superbisor ng isang social center sa Sharja, United Arab Emirates dahil sa akusasyon ng pananakit sa 10-anyos na batang lalaki na hind umano nagsusuklay.
Ayon sa report ng Gulf News, sa gitna ng interogasyon, ipinaliwanag ng akusado na siya ay nagtatrabaho sa isang social center at ilang beses na umano niyang pinagsabihan ang bata na ayusin ang kanyang sarili.
Aniya, sa huling pagkakataon ay muli niya umano itong pinaalalahanan daw niya ito na magsuklay ngunit hindi raw ito sumunod kaya niya ito hinampas sa leeg.
Ngunit mariin nitong itinanggi sa tagausig na sinaktan niya ang biktima ng higit sa isang beses dahil malinis umano ang kanyang rekord.
Sa kabilang banda, isinalaysay naman ng bata ang buong pangyayari.
Saad niya, hindi siya nakapagsuklay matapos sabihan ng suspek dahil wala umano siyang suklay.
Pinaghanap daw siya nito ngunit nang tila hindi niya ito intindihin, pinagbawalan na raw siya nitong gumamit ng iPad sa loob ng isang linggo.
Dahil dito ay nagtungo umano siya sa computer room para doon mag-aral mag-isa at nang matapos siya at lalabas na ng silid, bigla raw siyang binatukan ng akusado.
Dagdag pa ng biktima, namula raw ang kanyang leeg at hindi umano ito ang unang pagkakataon na ginawa ng bisor ang pananakit.
Samantala, ipinag-utos naman ng tagausig ang akusado na mananatili sa kanilang kostudiya ng pitong araw hanggang magkaroon ng pandinig ang kaso sa Misdemeanor Court sa Agosto 11.