Isinulong sa Kamara na mabigyan ng sampung araw na pagliban sa trabaho na may sweldo ang mga empleyado sa pribado at pampublikong sektor na namatayan ng miyembro ng pamilya o iba pang kamag-anak.
Nakapaloob ito sa inihain nina Tingog Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre na House Bill No. 2345 o panukalang Bereavement Act of 2022.
Layunin nito na magkaroon ng pagkakataon ang mga manggagawa na makapagluksa at unti-unting makabangon mula sa pagpanaw ng kanilang asawa, magulang, anak, kapatid o iba pang kaanak ng hindi nasasakripisyo ang kanilang sweldo.
Iginiit sa panukala na ang 10-day paid bereavement leave ay hindi pwedeng maging basehan ng anumang aksyon laban sa empleyado tulad ng misconduct, demotion, o termination sa trabaho.
Ang panukala ay alinsunod sa itinatakda ng Section 18, Article Il ng 1987 Philippine Constitution na mandato ng estado na protektahan ang mga karapatan ng mga manggangawa at isulong ang kanilang kapakanan.
Kapag naging batas, ang lalabag dito ay pagmumultahin ng P20,000 o 15-araw na pagkakulong.
Kung ang lalabag ay kompanya o asosasyon ay ang mga opsiyal nito ang haharap sa kaparusahan.