Hindi na dapat pansinin at hindi dapat magpaapekto ang bansa sa inilabas na 10-dash line map ng China.
Mula kasi sa 9-dash line na ang sakop ay ang West Philippine Sea, naglabas ang China ng bagong mapa na 10-dash line kung saan umabot na ang sakop na teritoryo sa Pilipinas hanggang sa may Batanes at tawid hanggang Taiwan Strait.
Giit dito ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, hindi aniya obligado ang bansa na kilalanin ang territorial claim ng ibang bansa.
Pinagko-concentrate ni Pimentel ang pamahalaan sa sarili nitong posisyon o territorial claims gayundin sa maritime zones.
Sinabi naman ni Senate Committee on National Defense Chairman Jinggoy Estrada na nang-iinis lang ang China at balewala ang naturang mapa.
Pinayuhan naman ni Senator Chiz Escudero ang buong bansa na hindi dapat magpaapekto ang Pilipinas sa mga pinalulutang na isyu ng China.
Dagdag pa nito, hindi dapat hayaang madiktahan ang bansa ng China at gawin lamang ng gobyerno ang sa tingin nila ay makabubuti para sa pambansang interes.
Aniya pa, kahit maraming mapa pa ang iisyu ng China ay wala namang bigat ito at hindi rin kinikilala sa international law at wala ring epekto sa paborableng desisyon ng arbitral court na sa Pilipinas ang West Philippine Sea.