Cauayan City, Isabela- Kakaiba ang paraan ng Local Government Unit (LGU) ng Roxas, Isabela at Jollibee Food Corporation para hikayatin ang publiko partikular sa naturang bayan na magpabakuna kontra COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Bryan Laurel, Health Program Officer ng RHU Roxas Resbakuna, sa bawat residente kasi ng kanilang bayan na makakapagpagpabakuna ay makakakuha ng 10% discount sa kabuuang halaga ng magagastos sa pagbili ng mga pagkain sa isang kilalang fast-food chain sa pamamagitan ng dine-in set up.
Ayon pa sa kanya, inisyatibo umano ito ng kumpanyang Jollibee upang tulungan ang lokal na pamahalaan upang mas lalong mahikayat ang kanilang mga kababayan na magpabakuna lalo pa’t ilang porsyento ng tao sa bansa ang hindi pa rin kumbinsido sa vaccination roll-out.
Samantala, sa hiwalay na panayam ng iFM Cauayan kay Bb. Kim Garcia, Operation Assistant ng Xentro Mall Administration Office-Roxas branch, kasalukuyan na ang ginagawang dayalogo ng marketing department sa mga stall-owner ng mall para sa gagawing diskwento naman sa mga paninda sa loob ng mall.
Matatandaang naging kontrobersyal ang Jollibee dahil sa fried towel.
Maliban dito, nasa 1,415 naman ang nabakunahan sa A1 priority group; 95 sa A2 o mga senior citizen habang 586 naman sa A3 o mga may comorbid sa bayan ng Roxas.
Sa ganitong paraan, umaasa ang lokal na pamahalaan katuwang ang Jollibee na mas marami pang residente ang mahihikayat na magpabakuna kontra COVID-19.