
Nabulabog ng bomb threat ang sampung eskwelahan sa lungsod at lalawigan ng Iloilo nitong Lunes, Nobyembre 17.
Dahil dito, kaagad na sinuspinde ang pasok at trabaho sa ilang eskwelahan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat na mga estudyante at mga guro.
Sa lungsod, kabilang sa mga pamantasan na nakatanggap ng banta ay ang Iloilo National High School, main campuses ng West Visayas State University at Iloilo Science and Technology University, Hua Siong College of Iloilo, Central Philippine University, at dalawang campus ng St. Therese MTC Colleges, sa Magdalo at La Fiesta.
Kaugnay nito, inanunsiyo ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas na nakahandang magbigay ng P100,000 na pabuya ang Iloilo City Government sa sino man na makapagtuturo sa responsable sa sunud-sunod na bomb threats sa lugar.
Samantala, sa probinsya naman, tatlong mga eskwelahan mula sa iba’t-ibang mga distrito ang nakatanggap din ng bomb threat. Ito ang West Visayas State University – Calinog Campus, Guimbal National High School, at Iloilo Merchant Marine School sa Pavia.
Kasunod nito, tiniyak ng Police Regional Office 6 na nagsasagawa sila ng imbestigasyon at sineseryoso ang mga banta para sa seguridad ng lahat.









