Ipinarerekonsidera ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte ang inaprubahang Executive Order na nagpapataw ng 10% na dagdag sa import tax ng crude oil at petroleum products na layong makalikom ang gobyerno ng pondo para sa COVID-19 response.
Paliwanag ni Zarate, otomatikong magtataas sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at mga serbisyo ang dagdag na buwis sa inaangkat na langis at mga produktong petrolyo.
Nababahala ang mambabatas na ipapasa lamang ng mga kumpanya ang dagdag na buwis sa mga mamamayan sa halip na ang publiko ang makinabang at dapat na mabigyan ng ayuda tulad ng layunin ng dagdag na import duties.
Sinabi naman ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares na dapat bawiin ng pangulo ang EO upang hindi na maging pabigat sa mga mahihirap na mamamayan.
Bukod aniya sa pagkain at serbisyo ay tiyak na tataas ang kuryente, LPG at pamasahe na magiging dagdag pasakit sa publiko sa gitna ng krisis sa COVID-19.
Giit pa nito, maraming pondo pa ang pamahalaan na maaaring paghugutan ng maitutulong sa taumbayan tulad ng Presidential pork barrel, Malampaya fund at savings mula pa noong 2017.