Naitala ng Philippine National Police (PNP) ang 10 indibidwal na nasawi matapos manalasa ang Super Typhoon Rolly.
Ayon kay Police Lieutenant General Cesar Hawthorne Binag, PNP Deputy Chief for Operations, sampu ang naitalang namatay, apat sa Catanduanes at anim sa ibang bahagi ng Bicol.
Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy ang search and rescue operation na ginagawa ng mga pulis sa lugar na lubhang naapektuhan ng Bagyong Rolly katuwang ang mga sundalo at Philippine Coast Guard (PCG).
Nagpadala na rin ng augmentation force ang PNP sa Bicol PNP para tumulong sa search and rescue operation.
Ayon kina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Ano at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, marami pa ang nawawala lalo na sa mga bayan ng Catanduanes at Albay na matinding sinalanta ng Super Typhoon Rolly.
Bukod sa search and rescue operation, nakatutok rin ang PNP sa mga bakanteng area para walang mangyaring looting.
Binabantayan din ngayon ng pulisya ang mahigit 15,000 na evacuation centers kung saan tumutuloy ang mga naapektuhan ng bagyo para hindi manamantala ang mga masasamang loob.