Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ), na inilipat sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro ang 10 inmates na mga testigo sa Bilibid illegal drug trading case.
Pero ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, hindi pa matukoy kung ano ang dahilan ng pag-transfer sa mga witness dahil hinihintay pa ng DOJ ang opisyal na report ng Bureau of Corrections (BuCor) at ito ay confidential.
Pinag-isipan din aniya at hindi basta-basta ang ginawang jail transfer.
Dagdag pa ni Clavano, na nagpunta sa DOJ ang mga asawa ng ilang inmate para idulog ang paglipat sa kanilang mister ng walang abiso sa kanila.
Hinarap ni Clavano ang mga misis at ipinaliwanag ang sitwasyon.
Tiniyak naman ng opisyal sa mga asawa ng inmates na nasa mabuting kalagayan ang mga ito.