Iniulat ni Agriculture Secretary William Dar na mayroon nang sampung medicine companies ang magsasagawa ng trial test ng bakuna sa mga baboy bilang panlaban sa African Swine Fever (ASF).
Sa isinagawang Pre-SONA economic manager’s forum, sinabi ni Secretary Dar na malaki ang idinulot na kabawasan sa suplay ng karne ng baboy ang paglaganap ng naturang sakit.
Gayunman, hindi aniya sila nagpatinag at tuloy-tuloy na nagpatupad ng mga hakbang.
Aniya, nagsimula na ang trial test ng pig vaccine noong April 23.
Ani Dar, layon nito na matiyak na walang magiging sagabal sa mga ikinasang programa sa repopulation ng hog industry matapos itong padapain ng ASF.
Dagdag ng kalihim, unti-unti nang nasosolusyunan ang problema sa ASF.
Mula aniya sa 4,060 na ASF incidence noong ikatlong hati ng 2020, naibaba na ito sa 981 incidence sa first quarter ng 2021.