Manila, Philippines – Sampung libong raliyista ang inaasahang magpoprotesta bukas sa ilang lugar sa Metro Manila kaugnay sa gaganaping National Day of Protest.
Ito ang kinumpirma ni PNP National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Police Director Oscar Albayalde.
Magkikita-kita aniya ang mga raliyistang ito na ilan ay mga lumads o mga katutubo sa Quezon City Circle, sa may bahagi ng University of the Philippines at Liwasang Bonifacio.
Pagkatapos ay magmamartsa sila patungo sa Luneta at doon na magsasagawa ng programa.
Sinabi pa ni Albayalde na ng sampung libong protesters na ito ay kinabibilangan na ng pro at anti-Duterte.
Sinabi pa ni Albayalde na bukas imomonitor nila ang posibleng paghaharap ng mga pro at anti-Duterte sa harap ng inaasahang kaliwa’t kanang kilos protesta.
Bukod ditto, magiging abala rin bukas ang PNP sa pagsasaayos ng daloy ng mga sasakyan sa mga lugar na gagawin ang kilos protesta.