Inihayag ng pamunuan ng San Juan City Government na 9 na mga manggagawa mula sa Masbate at isang manggagawa naman mula sa Cavite na na-stranded sa lungsod ang makababalik na ngayong araw sa kanilang mga probinsya.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, sila mismo ang nagproseso sa kanilang mga dokumento at mga permit kabilang na ang health certificate, travel authority at certificate of acceptance kung saan pinangunahan mismo ng alkalde ang send-off ceremony sa City Hall para sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs).
Paliwanag ng alkalde, sumailalim na rin sa rapid test ang 10 manggagawa at nabigyan ng clearance para makauwi sa kanilang mga probinsya kung saan binigyan sila ng San Juan City Government ng mga food allowance, food packs at bag.
Umapela naman si Mayor Zamora sa LSI na nais humingi ng tulong sa San Juan City Government para makauwi ng probinsya na maaari silang mag-email o magpadala ng sulat sa barangay kung saan sila nanunuluyan pansamantala.
Dagdag pa ng alkalde na ang barangay ang magpapaabot nito sa City Disaster Risk Reduction and Management Office na siya namang mag-aasikaso ng medical certificate na magmumula sa City Health Office at travel authority na magmumula naman sa San Juan City Police Station at ang CDRRMO ang makikipag-ugnayan sa destination LGU para sa kanilang pagbiyahe.