Nasa sampung milyong mga bata sa buong mundo ang posibleng hindi na makabalik sa pag-aaral bunsod ng COVID-19 pandemic.
Binigyang-diin dito ng grupong Save the Children ang datos ng UNESCO kung saan 1.6 billion o 90% ng kabuuang student population sa buong mundo ang natigil sa pagpasok sa eskwelahan at unibersidad dahil sa mga panuntunang ipinatupad para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Dahil sa idinulot economic crisis ng pandemya, karagdagang 90 hanggang 117 milyong kabataan din ang maaaring maghirap.
Nasa 9.7 milyong kabataan naman ang inaasahang permanenteng titigil sa pag-aaral at mapipilitang magtrabaho o mag-asawa nang maaga para suportahan ang kanilang mga pamilya.
Kasabay nito, nagbabala rin si Save the Children Chief Executive Inger Ashing na magdudulot ang krisis ng shortfall na 77 billion dollars sa education budget sa mga low at middle-income countries sa katapusan ng 2021.
Kabilang sa 12 bansa kung saan mataas ang tyansang mapag-iwanan sa edukasyon ang mga kabataan ay sa Niger, Mali, Chad, Liberia, Afghanistan, Guinea, Mauritania, Yemen, Nigeria, Pakistan, Senegal at Ivory Coast.
Nabatid na bago pa man ang krisis, nasa 258 milyong mga bata na ang natigil sa pag-aaral.