Binigyang pagkilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sampung natatanging Pilipino na napili ng Metrobank Foundation ngayong taon.
Ang mga awardee ay tumanggap ng tig-iisang milyong piso para sa kanilang pagpupursigi sa kani-kanilang mga karera.
Kabilang sa mga pinarangalan ay ang Metrobank Foundation Outstanding Teachers na sina Ma. Ella Fabella, Master Teacher II Franco Rino Apoyon, Decibel Faustino-Eslava, at Maria Regina Hechanova-Alampay.
Kinilala naman bilang outstanding soldiers sina Captain Salvador Sambalilo, Major Ron JR Villarosa, at Staff Sergeant Michael Rayanon habang outstanding police officers naman sina Police Lt. Col. Bryan Bernardino, Police Major Mark Balmaceda, at Staff Sergeant Liena Sol-josefa Joveday.
Ayon sa pangulo, ang ipinakitang kagitingan, integridad, tapang, at social responsibility ng awardees, ay malaking tulong sa pagbabago ng buhay at pag-aangat sa mga komunidad at sila ang nagsisilbing mga bagong mukha ng serbisyo-publiko.
Samantala, nag-donate rin ang Metrobank ng 10 milyong piso sa gobyerno para sa pagpapaabot ng tulong sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine.