10 PAMPUBLIKONG PAARALAN SA DAGUPAN CITY, MAYROON NANG DIGITAL LIBRARY

Mayroon nang STARBOOK digital library ang 10 pampublikong paaralan sa Dagupan City matapos silang makatanggap nito mula sa Department of Science and Technology (DOST) ngayong Pebrero, kasabay ng pagbubukas ng 2026 Regional Science, Technology and Innovation Week (RSTIW).

Kabilang sa mga benepisyaryong paaralan ang Bonuan Boquig National High School, Malued Elementary School, East Central Integrated School, West Central Elementary School I, Carael Elementary School, Salisay Elementary School, North Central Elementary School, Carael National High School, T. Ayson Elementary School, at Judge Jose De Venecia Technical Vocational School.

Ang STARBOOK o Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosk ay isang digital library na naglalaman ng iba’t ibang resources kaugnay ng science at technology, kabilang ang mga e-book at research materials na maaaring gamitin ng mga mag-aaral, guro at mananaliksik.

Maaari rin itong ma-access kahit walang internet connection.

Ayon sa DOST, bahagi ang pamamahagi ng naturang teknolohiya sa mga paaralang sakop ng Schools Division Office ng Dagupan City bilang suporta sa pagpapalakas ng kaalaman sa agham at teknolohiya sa ilalim ng 2026 RSTIW.

Facebook Comments