10 pulis at 7 PDEA agents, inilagay sa custodial investigation kasunod ng misencounter incident

Inilagay sa restrictive custody sa Camp Crame ang 10 pulis at pitong ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na direktang sangkot sa madugong buy-bust operation sa Quezon City.

Ang Philippine National Police (PNP) at PDEA ay hindi pa makapagbigay ng buong detalye hinggil sa nasabing operasyon dahil pinagtatahi-tahi pa nila ang lahat ng impormasyon at testimonya ng mga pulis at PDEA agents, maging ang iba pang ebidensyang kanilang nakalap.

Ayon kay PNP General Debold Sinas, hihingan nila ng paliwanag ang magkabilang panig para malaman kung bakit nagkaroon ng misencounter.


Nasa ilalim na ang 17 PNP at PDEA personnel sa custodial investigation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame kung saan ang Board of Inquiry ang nagsasagawa ng imbestigasyon.

Sabi naman ni PDEA Director General Wilkins Villanueva, kinakalap pa lamang nila ang mga ebidensya tulad ng mga cellphones ng magkabilang panig para malaman kung sino ang nagsimula.

Ang mga cellphones ay sasailalim sa analytical investigation.

Kinuha rin nila ang testimonya ng mga pulis at PDEA agents, CCTV footage at testimonya ng mga nakasaksi.

Sisilipin aniya nila ang lahat ng anggulo para malaman ang tunay na nangyari.

Iginiit nina Sinas at Villanueva na ang mga operasyon na isinagawa ng kanilang mga tauhan ay lehitimo.

Ang layunin ng kanilang imbestigasyon ay malaman ang mga posibleng pagkukulang sa koordinasyon at rules of engagement.

Umapela ang PNP at PDEA ng pasyensya at nakiusap sa publiko na hintayin ang kalalabasan ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI) sa halip na paniwalaan ang mga lumulutang na mga istorya lalo na sa social media, kabilang ang umano’y ‘sell-bust’ at nawawalang ₱1.5 million.

Facebook Comments