10 pulis sa Pampanga, inireklamo ng pagnanakaw sa mga nagtutupada

Sinampahan ng kaso sa Pampanga Provincial Prosecutor’s Office ang sampung pulis dahil sa kasong pagnanakaw sa bayan ng Bacolor.

Kinilala ni Bacolor Municipal Police Station Chief PMaj. Anselmo Pineda ang mga inakusahan na sina PMSgt. Rommel Nool, PCpl. Resty Delima, PCpl. Alvin Pastorin, PCpl. Jayarr Macaraeg at PCpl. Normal Lazaga.

Gayundin sina Pat. Bjay Sales, Pat. Jayson Martinez, Pat. Jeff Van Cruz, Pat. Jhusua Fernandez, Pat. Bryan Steve Pasquin na pawang mga miyembro ng Intelligence Unit ng Pampanga Philippine National Police (PNP).


Sinabi ni Pineda, March 19 nangyari ang krimen pero kahapon lamang ito pormal na naiulat sa kanila dahil sa takot na balikan sila ng mga kabaro.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na pinasok ng grupo ng mga pulis ang compound ng isa sa mga nagrereklamong si Alberto Gopez sa Brgy. Duat sa nasabing bayan dahil umano sa isinasagawang tupada.

Pagpasok umano ng mga pulis sa compound ay kinuha ang pera na nagkakahalaga ng P379,700 mula sa may sampung indibidwal na kasama sa tupada gayundin ang hindi pa matukoy na halaga ng mga ari-arian.

Nang makuha na ito ng mga pulis, pinalaya rin ng mga pulis ang mga nagtutupada, saka bumalik sa kanilang mga sasakyan at umalis patungo sa hindi natukoy na direksyon.

Facebook Comments