10 pulis sa Taguig, na-relieve at nadisarmahan matapos ang kumalat na viral video na pananakit at pang-aabuso habang naghahain ng search warrant

Nasa 10 pulis, kasama ang station commander, mula sa Taguig City Police Sub-Station 5 ang na-relieve sa pwesto at nadisarmahan dahil sa kumalat na viral video na paghahain ng warrant of arrest sa isang ginang.

Nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng mga pulis at pamilya ng biktima na humantong sa sakitan bago umano dalhin ang ginang sa barangay.

Kita rin sa isang video ang pagtalon ng biktima sa back-to-back vehicle habang nakaposas ito.


Ayon kay Police Colonel Joey Goforth, Chief of Police ng Taguig City Police, nakuha ng mga pulis na pumasok sa bahay ng biktima ang pera na nagkakahalaga ng halos P80,000, tatlong cellphone, at isang tablet.

Ngunit tanging mga gadgets lamang ang nabawi ng biktima.

Dagdag pa ng hepe, pagpapaliwanagin ang mga nasangkot na pulis sa Southern Police District kung saan maaring maharap ang mga ito sa patong-patong na kaso.

Samantala, sobrang takot naman ang naramdaman ng biktima at ang pamilya nito matapos ang insidente.

Ayon sa biktima nagawa niyang tumalon mula sa back-to-back vehicle ng pulisya dahil napansin niya na hindi ito huminto sa barangay.

Dagdag pa rito, humingi na umano ng tawad sa kanila ang mga pulis ngunit ayaw itong tanggapin ng kaniyang anak na lalaki.

Facebook Comments