10, sugatan sa magnitude 6.4 na lindol sa Abra

Hindi bababa sa 10 indibidwal ang napaulat na nasugatan sa magnitude 6.4 na lindol sa Abra kagabi.

Sa datos ng Abra Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, anim sa nasugatan ay naitala sa bayan ng Lagayan; isa sa San Quintin at tatlo sa San Juan.

Sa interview ng RMN DZXL 558, sinabi ni Abra Governor Dominic Valera na apat sa mga biktima sa Lagayan ay nadaganan ng gumuho nilang bahay.


Ilang bahay naman ang nasira sa bayan ng Tineg kung saan apektado rin ang suplay ng kuryente.

Kinansela na rin ang pasok sa eskwela at trabaho ngayong araw para bigyang-daan ang pagsasagawa ng inspeksyon sa mga gusaling posibleng napinsala ng lindol.

Karamihan naman sa mga residente ang nagpalipas ng gabi sa labas ng kanilang mga bahay dahil sa takot sa mga aftershocks.

Noon lamang Hulyo nang tumama ang magnitude 7.0 na lindol sa Tayum, Abra kung saan 11 ang nasawi at higit 600 ang nasugatan.

Samantala, nakatakdang magtungo ngayong araw sa Abra si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Erwin Tulfo upang maghatid ng tulong sa mga apektado ng lindol.

Facebook Comments