10 suhestiyon para mapabagal ang COVID-19 transmission, inilatag ni dating NTF special adviser Dr. Tony Leachon

Nag-alok si dating National Task Force (NTF) Against COVID-19 special adviser Dr. Tony Leachon ng sampung suhestiyon para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Sa ilalim ng kanyang “blueprint for change”, muling iginiit ni Leachon na dapat paigtingin ng gobyerno ang kapasidad nito sa mass testing, contact tracing at pagtatayo ng mga isolation at quarantine facilities.

Aniya, mawawalan ng saysay ang dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ) kung hindi maisasagawa ang mga nabanggit na basic pillars.


Bukod dito ipinanukala rin ni Leachon ang mga sumusunod:

 Pagtatayo ng field o satellite clines o paggamit ng mga bakanteng gusali para mapaluwag ang mga ospital
 Pagkakaroon ng strategic, agile at transparent na communication plan
 Mabilis na vaccine rollout sa Metro Manila at iba pang COVID-19 hotspots
 Pagpapahusay ng data management at science-based projections
 Pagpapaigting ng kapasidad ng telemedicine
 Pagbuo ng protocols para sa mga mild COVID-19 patients at;
 Pagkakaroon ng stockpile coronavirus treatment para sa home care at hospital patients

Ayon kay Leachon, marami nang nagpanukala ng mga hakbang para matugunan ang pandemya, pero ang kailangan ay mahusay na pagpapatupad nito.

Matatandaang isinisi ng health expert ang paglala ng COVID-19 crisis sa bansa sa bigong pagtugon ng mga lider sa problema.

Samantala, ayon sa political expert na si Prof. Ramon Casiple, kulang sa awtoridad ang Inter-Agency Task Force (IATF) at mas mainam kung pamumunuan ito ng mga doktor.

Nakikita ko, nagkakaroon ng mga patakaran na IATF level pero dine-derrogate niya. Normal yun sa isang implementasyon pero policy ang pinag-uusapan e. Ako tingin ko, kulang ang awtoridad ng IATF, Kasi unang-una, dapat doktor yung namumuno niyan e,” paliwanag ni Casiple.

“I would expect in a normal handling ng ganyang sitwasyon, dapat ang namumuno dyan yung Secretary of Health. E kung mayroong duda, dapat nag-a-appoint ang presidente ng bagong Secretary of Health.

Facebook Comments