*Tuguegarao City- *Nasa kamay na ng mga alagad ng batas ang sampung crew ng dalawang bangkang pangisda ng mga Vietnamese Nationals matapos *maaktuhang iligal na nangingisda *sa Dalupiri Island sa bayan ng Calayan, Cagayan.
Ayon kay OIC Regional Director Dr. Nelson B. Bien ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 02, nitong unang araw ng Hunyo ng madaling araw nang magsagawa ng pagpapatrolya ang mga tauhan ng BFAR at Philippine Coast guard nang maaktuhan ang iligal na pangingisda ng mga dayuhan malapit sa nasabing isla ng Calayan.
Habang sila’y nilalapitan ng mga otoridad upang komprontahin, binangga ng mga dayuhan ang bangkang sinasakyan ng mga otoridad dahilan upang sila’y habulin ng mga alagad ng batas.
Bahagya namang nasira ang bow ng bangkang sinasakyan ng mga otoridad.
Nadakip naman ang mga iligal na mangingisda sa magkahiwalay na operasyon sa loob ng dalawang oras.
Natagpuan sa bangka ang iba’t ibang uri ng isdang nahuli kabilang na rito ang yellow fin tuna, pating, blue marlin at torado na tinatayang nagkakahalaga ng humigit kumulang walong libong piso sa merkado.
Natukoy ang dalawang bangka ng mga dayuhan na may mga numerong BD-96821-TS a t BD-95115-TS.
Nahaharap naman ang sampung naarestong Vietnamese sa kasong isinampa ng BFAR02 na paglabag sa Sec. 91 (Poaching), Sec. 115 (Obstruction of Fishery Law Enforcer) at paglabag sa Sec. 102 (Taking of Rare, Threatened and Endangered Species) ng RA 10654.
Sa ngayon ay nasa pag-iingat na ng BFAR 02 ang dalawang bangka ng mga dayuhan.