Tinutukan ngayon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) katuwang ang iba pang ahensiya ng gobyerno ang paghahanda at pagsasaayos sa higit 100 evacuation centers sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Ito ay sa harap na rin ng panahon ng tag-ulan kasabay ng pagbabalik eskwela ng mga bata sa Lunes, August 22.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na layunin ng hakbang na ito na maiwasang gamitin pa ang mga eskwelahan bilang evacuation centers kapag may paglilikas dala ng kalamidad, para hindi maabala ang pag-aaral ng mga bata.
Dagdag pa ni Timbal na tuloy-tuloy lamang ang pagpapadala nila ng mga mensahe ng babala sa panahong ito ng mga pag-ulan, pag-baha at iba pang uri ng kalamidad upang masiguro ang kaligtasan ng mga kabataan sa kanilang balik-eskwela.
Hindi rin aniya sila tumitigil sa pagpapadala ng mga bakuna at iba pang suplay na kailangan sa mga health institutions kaugnay ng patuloy na pagtugon ng gobyerno sa pandemya ng COVID-19.
Hinimok din ni Timbal ang mga kabataan na magpabakuna o magpa-booster na kung kwalipikado naman, para mabigyan sila ng sapat na proteksyon laban sa COVID-19.