100 flagship projects ng Build Build Build Program, nag-resume na matapos matengga ng dalawang buwan dahil sa lockdown

Balik-operasyon na ang nasa 100 big-ticket projects sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ng Duterte Administration.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na pinayagan nang mag-resume ang mga flagship project ng “Build, Build, Build” program dahil nakapag-comply na sila sa construction safety guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Kabilang dito ang pagtatayo ng tirahan para sa mga manggagawa, ang palagiang sanitization o disinfection sa lugar, pagsusuot ng mask at face shield ng mga manggagawa, pagsunod sa physical distancing at ang pagkakaroon ng safety officer na siyang titingin kung nasusunod ba ang mga health safety protocol.


Ilan sa mga infrastructure projects na nag-resume ay ang construction ng North Luzon Expressway (NLEX) Harbor Link, NLEX-South Luzon Expressway (SLEX) connector, gayundin ang Cavite-Laguna Expressway, Metro Manila Skyway Stage 3, R-1 Bridge Project, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway Project at Subic Freeport Expressway Project.

Una nang sinabi ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III na makakatulong ang mga proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build” program upang sumiglang muli ang ating ekonomiya.

Facebook Comments