100% foreign ownership sa pampublikong imprastraktura, magpapatindi sa panghihimasok ng Tsina sa bansa

74

Nagbabala si Senator Risa Hontiveros na ang pag-amyenda sa Public Services Act na magpapahintulot ng 100% foreign ownership sa mga pampublikong serbisyo ay magbibigay-daan sa Tsina na magmay-ari ng mahahalagang imprastraktura sa Pilipinas.

Ayon kay Hontiveros, maaaring samantalahin ito ng Tsina at gamitin laban sa Pilipinas sa usapin ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Ipinunto ni Hontiveros na hindi na nga tumitigil ang Tsina sa panghihimasok sa mga teritoryo natin sa West Philippine Sea, tapos papayagan pa natin silang bilhin ang mga imprastaktura sa loob mismo ng ating bansa.


Diin pa ni Hontiveros, sa ngayong tinataboy ang ating mga mangingisda sa ating mga teritoryo ay paano tayo makasisiguro na hindi rin itataboy ng Tsina ang mga Pilipinong manggagawa sa mga industriyang gusto nitong pasukan.

Giit ni Hontiveros, mas dapat tayong maghigpit sa foreign ownership habang tumitindi ang panghihimasok ng China sa WPS sa halip na gawing madali para sa Tsina na magtayo ng isang kuta sa sarili nating lupain.

Dagdag pa ni Hontiveros, may mga hindi pa nareresolbang national security concerns sa mga public utility na may 40% stake ang China.



Tinukoy ni Hontiveros ang main power grid system ng bansa o ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), at maging ang ikatlong telco na DITO Telecommunity.

Facebook Comments