100% na pagbubukas ng maraming industriya sa bansa sa mga dayuhan, hindi banta sa national patrimony

Tiniyak ni AAMBIS-Owa Party-list Rep. Sharon Garin na hindi banta sa national patrimony o mga pamana at pagmamay-ari ng bansa ang panukalang pag-amyenda sa Public Service Act (PSA).

Siniguro ng kongresista na siyang main sponsor ng panukala sa Kamara na mayroong “safeguards” na inilatag sa panukalang amyenda sa PSA upang maalis ang kinatatakutan sa pagdagsa ng mga banyagang mamumuhunan.

Paliwanag ni Garin, ang nais lang sa panukala ay gamitin ang foreign investments para madagdagan ang kapital ng mga Pilipino para sa mas pinahusay na serbisyo, dagdag na trabaho at pagpapalakas ng mga industriya.


Sa niratipikahang bicameral conference committee report, ang mga sumusunod na serbisyo na tinukoy bilang public utility ang mananatili sa 40% foreign ownership.

Kabilang dito ang distribution at transmission ng kuryente, petroleum at petroleum products, pipeline transmission systems, water pipeline distribution systems at wastewater pipeline systems, kasama rito ang sewerage pipeline systems gayundin ang seaports at public utility vehicles.

Ang mga industriya namang hindi kabilang sa mga naunang nabanggit ay mananatili sa public services pero luluwagan ang restrictions kung saan papayagan ang 100% na dayuhang pagmamay-ari.

Facebook Comments