Cauayan City, Isabela- Target ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang 100 porsyento na maisailalim sa swab testing ang mga personnel nito na pangungunahan ng Regional Health Service 2 sa kanilang unang araw ng mass testing.
Ayon sa report, 150 PNP Personnel mula sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office at piling mga istasyon ng pulisya ang inisyal na sumailalim na sa pagsusuri laban sa banta ng COVID-19.
Inaasahan namang mailalabas sa loob ng 3 hanggang 5 araw ang resulta ng swab test ng mga tauhan ng pulisya na dumaan sa nasabing pagsusuri.
Ayon kay PRO2 Regional Director PBGen. Crizaldo Nieves, ang ginawang pagsusuri sa inisyal na bilang ng mga PNP ay mangyayari rin sa buong pwersa ng PRO2.
Giit ni Nieves, kinakailangang masigurong ligtas ang lahat mula sa virus para tuloy-tuloy na mapaglingkuran ang taumbayan.
Batay sa report, 11 percent ng 9,000 personnel ay sumailalim na sa nasabing pagsusuri.