
Pinahintulutan na ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga Higher Education Institution (HEI) na magpatupad ng 100% online classes ngayong taong panuruan sa gitna ng national energy emergency na kinakaharap ng bansa.
Base ito sa inilabas na Memorandum No. 117, s. 2026 ng CHED mula sa Office of the Chairperson, bilang bahagi ng pakikiisa ng komisyon sa energy conservation effort ng gobyerno.
Paglilinaw ni CHED Chairperson Shirley Agrupis, ito ay pansamantalang hakbang lang ng komisyon sa ilalim ng kanilang Academic Sustainability Plan.
Gayunpaman, nakadepende sa CHED Regional Office ang pagpapahintulot sa mga unibersidad na magpatupad ng pure online learning system sa kanilang nasasakupan, depende sa kakayahan at kahandaan ng mismong unibersidad at mga estudyante.
Epektibo ang naturang memorandum ngayong Academic Year 2025-2026 kasama ang may mga summer classes, habang maglalabas naman ng panibagong abiso ang CHED bago magsimula ang Academic Year 2026-2027.










