Hiniling ng ilang kongresista sa Department of Transportation o DOTr na madaliin ang implementasyon ng 100 percent cashless policy sa mga tollways sa bansa at gawing interoperable ang Radio Frequency Identification o RFID system.
Nakapaloob ito sa House Resolution 159, na inihain nina Representatives Sandro Marcos, Jolo Revilla, Dean Asistio, Oca Malapitan, Eric Martinez, at Edwin Olivarez.
Nakasaad sa resolusyon na 2017 pa itinutulak ang toll interoperability project kung saan magkakaroon ng iisang payment system o integrated toll collection sa lahat ng tollways.
Magugunitang noong 2020 naglabas din ng kautusan ang DOTr para sa paglipat sa cashless payment at paggamit ng RFID para makaiwas sa COVID-19 pero ilang beses na ini-atras ang pagpapatupad ng mandatory RFID system.
Sa ngayon ay mayroong pa rin ang cash lanes sa mga tollways at hindi pa rin integrated ang RFID system na Easytrip at Autosweep.
Ang Easytrip system ang ginagamit sa NLEX, SCTEX, SFEX, CALAX, CAVITEX, at C5 LINK habang Autosweep naman sa SLEX, Skyway, NAIAX, TPLEX at STAR.