Umapela ang grupo ng mga tsuper sa gobyerno na payagan na ang 100 porsiyentong seating capacity sa mga pampublikong sasakyan kasunod ng pagsasailalim sa Metro Manila at ilan pang lugar sa bansa sa Alert Level 1.
Ayon kay PISTON National President Mody Floranda, IATFbatay kasi sa anunsyo ng Department of Transportation (DOTr) ay mananatili sa 70% ang seating capacity sa mga public transport kahit “new normal” na sa National Capital Region (NCR).
Katwiran niya, mas makakatulong sila sa mga pasahero kung papayagan nang punuan ang mga sasakyan.
Kaugnay nito, tiniyak ni Floranda na mahigpit pa rin nilang ipatutupad ang health protocols sa mga pampublikong sasakyan.
“Dapat payagan tayong makabalik nang 100%, yung lahat ng mga traditional jeepney at lahat ng public transport para ito ay makatulong at makatuwang ng gobyerno sa usapin ng pag-angat ng ekonomiy, lalo na sa Alert Level 1, e dadami ang ating mga mamamayan na lalabas para makapaghanapbuhay,” ani Floranda sa panayam ng RMN Manila.
“Batay naman sa inilalabas na IATF guidelines ay pananatilihin pa rin na dapat naka-facemask yung lahat ng pasahero ay dapat ay meron pa rin tayong alcohol sa loob ng public transport,” dagdag niya.
Samantala, bukod sa 100% seating capacity, nanawagan din ang grupo sa LTFRB na ibalik na ang 100 porsiyentong operasyon ng mga pampublikong sasakyan.
“Kung makikita po natin, halimbawa sa kahabaan ng Commonwealth, masakit man tingnan pero bintana na ng bus dumadaan yung ating mga pasahero. Bakit po umaabot sa ganito? E dahil sa kakulangan sa public transport kaya dapat ito ang pinagtutuunan ng gobyerno. Bakit hindi nila payagan na makabalik nang 100% yung ating lahat ng ating public transport?” kwestiyon pa ni Floranda.
“Tapos, dapat hindi rin pinuputol yung ating mga ruta, yung ating prangkisa para tuloy-tuloy tayong nakakapag-serbisyo sa ating mga mamamayan,” giit niya.
Samantala, batay sa inaprubahang guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF), maaari nang mag-operate at full capacity ang mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng Alert Level 1.
Hindi na rin required ang paglalagay ng acrylic o plastic dividers sa loob ng sasakyan.