Aabot sa 100 vendor na lumabag sa price ceiling ang nasita ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Federico Laciste Jr., pinangunahan nila ang inspeksiyon sa mga palengke upang masiguro na sumusunod sa itinakdang price ceiling ang mga nagtitinda ng karneng baboy at manok.
Ang mga nasabing vendor ay nagmula sa palengke ng Pasay, Taguig, Las Piñas, Mandaluyong at Lungsod ng Maynila.
Isasailalim naman sa imbestigasyon ang mga lumabag na vendor para malaman kung bakit nabigo ang mga itong sumunod sa price cap.
Samantala, kaugnay nito tiniyak naman ng DA-Region 10 na hindi apektado ng African Swine Fever (ASF) ang mga commercial hog raiser sa Mindanao.
Paliwanag ni Carlene Collado, Director ng DA Region 10, tanging mga backyard raiser lamang ang naapektuhan ng ASF at hindi naman ipinapadala ng mga ito ang kanilang alagang baboy sa Metro Manila.
Sa ngayon base sa huling datos, umabot na sa 1,467 ang napatay na baboy sa mga backyard raisers sa Misamis Oriental.