1,000 Angkas drivers, libreng magsasakay ng medical frontliners ngayong MECQ

Para makatulong sa mga medical frontliner na nahihirapan sa pagsakay dahil sa transport ban ngayong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), magbibigay ng libreng sakay ang Angkas.

Inihayag ito ni Joint Task Force COVID Shield Commander Lieutenant Gen. Guillermo Eleazar sa isinagawang press conference sa Camp Crame.

Aniya, ipapakalat sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila ang 1,000 Angkas drivers para magsakay ng mga doctor at nurse.


Kabilang sa pupwestuhan ng Angkas drivers ang Philippine General Hospital (PGH), San Lazaro Hospital, East Avenue, Ospital ng Caloocan, National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Lung Center at Fabella.

Sa kabila naman na walang prangkisa sa ngayon, sinabi naman ni Angkas Chief Transport Advocate George Royeca na nakipag-ugnayan na sila sa National Task Force Against COVID-19 para rito at mag-o-operate lang sila hanggang MECQ lang.

Bukod sa libreng sakay, nagbigay rin ang angkas ng 1,000 motorcycle barriers sa Philippine National Police (PNP).

Ibibigay ang mga ito ng PNP sa mga piling medical frontliner na may motorsiklo.

Facebook Comments