1,000 metric tons ng medical waste, nakokolekta ng DENR kada araw

Aabot sa 1,000 metrikong tonelada ng healthcare waste ang nakokolekta kada araw sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Jonas Leones, simula naging mandato na ang pagsusuot ng face mask ay tumaas ang mga COVID-related waste.

Ibig sabihin, umaabot sa 166 six-tonner truck ang lumalabas kada araw para kolektahin ang nasabing medical waste.


Tiniyak naman ni Leones na nakikipag-ugnayan na sila sa mga Local Government Units (LGU) partikular sa mga barangay para sa mas istriktong pangongolekta ng mga basura.

Matatandaang pitong bata mula sa Virac, Catanduanes ang nagpositibo sa COVID-19 antigen test matapos paglaruan ang medical waste ng isang laboratoryo.

Nauna na ring nagbabala ang Department of Health (DOH) sa mga hospital at LGU na hindi nila palalagpasin ang maling pagtatapon ng mga basura na maaaring magdulot ng panganib sa publiko.

Facebook Comments