Aabot sa 1,000 mga Pinoy ang inaasahang unang isasailalim sa Phase 3 clinical trials ng bakuna kontra COVID-19 na galing sa Russia.
Ayon kay Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD), posibleng masimulan na sa Setyembre ang pakikibahagi ng Pilipinas sa clinical trial ng ‘Sputnik V’ oras na malagdaan na ang data agreement sa manufacturers ng bakuna.
Maliban dito, pag-aaralan pa nila ang resulta ng Phase 1 at 2 clinical trials ng ‘Sputnik V’ ng Russia.
Iginiit pa ni Montoya na ang pag-apruba sa bakuna para sa clinical trial ay para sa limited use lamang.
Bukod sa Pilipinas, inaasahang isasailalim din sa clinical trial ang ‘Sputnik V’ sa Brazil, Saudi Arabia at United Arab Emirates.
Tiniyak naman ni Montaya na ang mga pasyenteng sasailalim dito ay papayag at maiintidihan ang benepisyo at negatibong epekto nito.