Ililipat sa resettlement area sa Tondo, Maynila, at sa mga ipatatayong pabahay sa Rizal ang nasa 10,000 informal settlers na maaapektuhan ng rehabilitasyon ng Ilog Pasig.
Sa Pasig River Inauguration, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bibigyan ng maayos na tirahan ang mga pamilyang naninirahan sa kahabaan ng Pasig River Banks.
Ayon kay Pangulong Marcos, agad niyang iniutos kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Sec. Jose Acuzar na siguruhing may maayos na lilipatan ang mga maapektuhan, simula pa noong mapagdesisyunan pamahalaan ang Pasig River Urban Development project.
Kaugnay nito, sinabi ni Acuzar na mayroon nang dalawang ektaryang lupa para sa resettlement area sa Baseco, Tondo, Maynila, tatayuan ng halos 60,000 units na pabahay.
May ginagawa na rin aniyang clearing operations sa lugar para masimulan ang proyekto.
Bukod dito, mayroon na ring housing project sa Lupang Arenda sa Rizal.
Dagdag pa ni Acuzar, isasabay ang pagtatayo ng mga pabahay at pagsasaayos ng Pasig River, kung saan target nila itong tapusin sa loob ng tatlong taon.