Nakaalerto pa rin ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa anumang tangkang pananabotahe sa vaccination program ng gobyerno.
Tiniyak ito ni NCRPO Director Police Major General Vicente Danao.
Aniya, nasa 10,000 mga pulis ang nagbabantay ng mga bakuna mula sa pagbaba nito sa airport, pag-imbak sa cold storage facility ng Pharmaserv Express at paghahatid nito sa iba’t ibang mga Local Government Unit (LGU).
4,672 sa mga pulis na naka-deploy ay galing Southern Police District (SPD) habang 5,048 ay mula sa Eastern Police District (EPD).
Sinabi ni Danao, hindi pa rin nawawala ang banta ng terorismo at posibleng pananabotahe sa kampanya ng gobyerno na malawakang pagbabakuna kahit pa may pandemya.
Kaya naman nakahanda aniya ang NCRPO na tumulong at magbigay seguridad para matiyak na ang mga bakunang dumarating sa bansa ay makakarating ng maayos sa iba’t ibang siyudad.