Nasa 10,000 mga pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong Metro Manila sa araw ng Undas.
Ayon kay NCRPO spokesperson Police Lt. Col. Dexter Versola, ide-deploy ang mga pulis sa 80 sementeryo at 24 na columbariums sa NCR.
Bukod sa mga pulis, magtatalaga rin sila ng force multipliers kabilang ang mga tauhan ng local government unit, MMDA at DOH.
Tiniyak din ng NCRPO ang maximum police visibility upang maiwasan ang anumang krimen sa paggunita ng Undas.
Una nang sinabi ng Philippine National Police na daragdagan nito ang deployment ng kanilang tauhan bilang paghahanda sa Undas.
Ipakakalat din ang mga ito sa lugar na dinaragsa na maraming tao tuwing “ber” months gaya ng Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Cebu, Davao at Baguio.