Isang patunay ng malasakit at pagkakaisa ang ipinakita ng Radio Mindanao Network (RMN) matapos mag-abot ng cash incentives kamakailan sa kanilang mga empleyado ng IFM Dagupan na labis na naapektuhan ng nagdaang habagat at Bagyong Emong.
Layunin ng programang ito na kahit papaano ay maibsan ang bigat na dinanas ng kanilang mga empleyado, partikular yaong nasiraan ng bahay, at lubhang naapektuhan ang kanilang pamumuhay dahil sa matinding pagbaha at masamang panahon.
Kabilang sa mga tumanggap ng tig-₱10,000 cash incentive sina May Tiffani Macaalay, Noymie Macaalay, Mathew Pacheco, Perfecto Manila Jr., Orlando Taluban, Ronalyn Racca, Geannie Victorio at Joana De Vera. Samantala, nakatanggap naman ng mas mataas na ayuda na ₱20,000 si Mark Anthony Luis, matapos na lubhang masira ang kanyang tahanan bunsod ng pagbayo ng bagyo.
Ayon sa pamunuan ng RMN Networks, hindi lamang ito simpleng ayuda kundi pagpapakita ng pagkalinga at pagbibigay ng pag-asa upang makabangon muli ang mga empleyado sa gitna ng krisis.
Ibinahagi rin ng ilang empleyado ang kanilang pasasalamat dahil sa tulong na ito. Anila, malaking ginhawa ang naibigay ng cash incentive upang matugunan ang agarang pangangailangan ng kanilang pamilya mula sa pagkain, gamot, hanggang sa pagkukumpuni ng kanilang mga tahanan.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, muling ipinakita ng RMN Networks ang kanilang paninindigan na hindi lamang sila naglilingkod sa publiko sa pamamagitan ng impormasyon at serbisyo, kundi isa ring pamilyang handang umalalay sa isa’t isa, lalo na sa panahon ng kalamidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments









