Target ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mag-hire ng 100,000 contact tracers ngayong buwan.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DILG Spokesman Undersecretary Jonathan Malaya na sa ngayon ay mayroon ng kabuuang 54,042 contact tracers o 3,397 contact tracing teams sa buong bansa.
Ayon pa kay Malaya, araw-araw nadadagdagan ang bilang ng mga contact tracers at mayroon ding mga volunteers.
Sa ngayon, nais nilang madoble ang nasabing bilang o lumagpas pa ng 100,000 bago matapos ang kasalukuyang buwan.
Idedeploy ang mga ito sa mga lugar kung saan nananatiling mataas ang kaso ng COVID-19.
Hinihintay na lamang ang pondong ibibigay ng Department of Budget and Management (DBM) upang makapag – hire na sila ng karagdagang contact tracers.
Samantala, bibigyang prayoridad ang mga nakapagtapos ng medical allied professions at criminology sa mga kukuning contact tracers.