11 anyos na Babaeng Estudyante, Muntik nang Madukot sa Cauayan City!

8185

Cauayan City, Isabela- Muntik nang ma-kidnap ang 11 anyos na dalagitang estudyante habang pauwi kahapon sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Brgy. Kagawad Leonar Adam, Chairman ng Committee on Peace and Order ng San Fermin, Cauayan City, Isabela, habang nag-aabang ng tricycle ang bata pauwi sa kanilang bahay sa Christine Village, District 1 ay bigla na lamang may dumating na itim na van at hinintuan ang bata.

Batay anya ito sa kwento ng dalagitang estudyante na itinago sa pangalang “Christine” kung saan lumabas umano ang tatlong nakaboneteng lalaki at inaalok na sumakay ito sa loob ng kanilang itim na van.

Agad na tumakbo ang bata sa damuhan malapit sa isang pribadong paaralan upang makapagtago dala na rin anya ng kanyang takot.

Una na rin na narinig ng bata ang pag-uusap ng mga sakay ng van kung paano nila ito makukuha.

Paalala naman ni Kag. Adam sa publiko lalo na sa mga magulang na huwag pabayaan ang mga anak na mag-isang umuuwi at magtatalaga na anya sila ng mga magbabantay sa mga matataong lugar upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang pangyayari.

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at uri ng Van na posible umanong plinano at inabangan ang paglabas ng bata bago ang tangkang pangingidnap.

Facebook Comments