*Cauayan City, Isabela*- Nananatiling lubog pa rin sa baha ang ilang bayan sa Probinsya ng Cagayan bunsod ng naranasang malakas na buhos ng ulan.
Ayon kay Provincial Information Officer Rogie Sending, umabot na sa 11 bayan ang apektado ng malawakang pagbaha habang 491 ang pamilyang inilikas dahil sa patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig sa ilang mga kabahayan.
Dagdag pa nito na nakaranas din ng pagguho ng lupa sa Brgy. Masisit at Assasi sa Bayan ng Baggao subalit wala namang naitalang kahit anong malaking pinsala sa lugar.
Samantala,natagpuang patay ang isang lalaki matapos aksidenteng masuwag ng sungay ng kanyang ipinapastol na alagang kalabaw habang inililikas niya ito dahil sa pagbaha sa lugar.
Nakilala ang biktima na si Rosendo Calayan alyas Sendo,71 anyos na residente ng Brgy. Linao Norte, Tuguegarao City
Kaugnay nito, isang karpintero ang hinihinalang nalunod na nakilalang si Domingo Bacani, 43 anyos na residente ng Brgy. Fermeldy, Tumauini, Isabela.
Lumabas sa imbestigasyon na pinipigilan umano ng mga opisyal ng barangay ang nasabing biktima na huwag tumawid sa lugar na mataas ang pagbaha ngunit hindi ito nagpapigil sa abiso ng mga opisyal hanggang sa anurin ng rumaragasang tubig.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang search and retrieval operation ng mga otoridad sa katawan ng biktima.