11 Democrat senators, kinalampag si Pres. Biden ukol sa human rights record ni Pangulong Duterte

Kinalampag ng 11 United States Senate Democrats na pinamumunuan ni Senator Edward J. Markey ang administrasyon ni President Joe Biden ukol sa human rights situation sa Pilipinas sa ilalim ng Duterte administration.

Si Markey ay Chairperson ng Senate Foreign Relations Subcommittee on East Asia and the Pacific.

Kabilang din sa naghayag ng pagkabahala ay sina:
• Senator Patrick Leahy
• Senator Jeffrey Merkley,
• Senator Sherrod Brown
• Senator Ben Cardin
• Senator Ron Wyden
• Senator Bob Casey
• Senator Cory Booker
• Senator Richard Durbin
• Senator Elizabeth Warren
• Senator Chris Van Hollen


Sumulat ang US senators kay State Secretary Antony Blinken kung saan humihingi sila ng paglilinaw sa Biden administration sa magiging strategy nito para tugunan ang human rights violations sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit ng US lawmakers na kaakibat sa pagpapanatili ng bilateral relationship ay pagkakaroon ng shared values tulad ng pagprotekta sa human rights, kabilang ang freedom of speech, freedom of the press, at matingkad na democratic governance.

Sinabi pa ng Democrat senators na maraming nawasak na komunidad dahil sa war on drugs ni Pangulong Duterte at ginagamit ito bilang justification para targetin ang independent press, mga kalaban sa pulitika, human rights advocates at ikompromiso ang judicial due process.

Nanawagan ang US senators na sumagot sa kanilang mga tanong kaugnayan sa mga polisiya ng Biden administration para sa Pilipinas at sa Duterte government.

Matatandaang noong 2019, idineklara ni Pangulong Duterte bilang persona non grata sina senators Markey, Leahy at Durbin dahil sa pagsuporta sa probisyon sa US Fiscal Year 2020 government spending bill na pagbawalan makapasok sa kanilang bansa ang mga opisyales ng Pilipinas na sangkot sa pagkakakulong ni Senator Leila De Lima.

Facebook Comments