Nasagip ng Naval Forces Western Mindanao katuwang ang 1st Special Operations Unit Maritime Group at Local Government Unit- Local Committees on Anti-Trafficking ang 11 hinihinalang biktima ng human trafficking na lulan ng MV Magnolia Liliflora sa Bongao Pier, Brgy. Poblacion, Bongao, Tawi-Tawi.
Binubuo ang mga ito ng dalawang babae at siyam na lalaki kung saan patungo sana silang Sandakan, Malaysia sa pamamagitan ng backdoor channel na walang kaukulang work at travel documents.
Ayon sa mga biktima, pagdating sa Malaysia susunduin sila nina Faizal, Rahim at Abs.
Agad namang itinurn over ang mga biktima sa Maritime Police Assistance Post sa Bongao Pier para sa comprehensive profiling and documentation.
Isasalang din ang mga ito sa counseling at stress debriefing sa ilalim ng Office of the Ministry of Social Welfare and Development ng Bongao.