11 kasunduan, sinelyuhan ng Pilipinas at Timor-Leste

Nasa 11 kasunduan ang nilagdaan ng Pilipinas at Timor-Leste na may kinalaman sa pagtutulungan sa ekonomiya, edukasyon at militar.

Napagkasunduan ito sa bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Timor-Leste President Jose Ramos Horta sa Malacañang kahapon.

Ayon kay Pangulong Marcos, natalakay nila ang mga mahahalagang usapin kabilang na ang political cooperation, people-to-people exchange, pagpapalakas sa kooperasyon sa edukasyon at dagdagan ang exchange students.


Ilalarga na rin aniya ang negosasyon para sa kasunduan sa safety net ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Timor-Leste gayundin ng kanilang mamamayan na nasa Pilipinas.

Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 1,480 na mga Pinoy professionals ang nagtatrabaho sa Timor-Leste na siyang mabibenipisyuhan ng kasunduan.

Target din ng dalawang bansa na magkaroon ng direct flights sa pagitan ng Manila at Dili sa pamamagitan ng Air Services Agreement.

Facebook Comments