Cauayan City, Isabela- Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling ang labing isang (11) katao matapos maaresto dahil sa pagsusugal sa Brgy. Ara Benito Soliven, Isabela.
Kinilala ang mga suspek na sina Dominador Dumpit, 49 taong gulang, may-asawa; Gualberto Libid, 48 taong gulang, byudo; Tebjoler Fontanilla, 36 taong gulang, may asawa; Rogelio Tumamao, 25 taong gulang, may asawa; Socrates Ancheta, 49 taong gulang; Jomar Manzano, 42 taong gulang, byudo; Mary Ann Dumpit, 27 taong gulang, may asawa; Maricel Dumpit, 29 taong gulang, may asawa; Julie Vergara, 33 taong gulang, may asawa at Thelma Ramos, 30 taong gulang, walang asawa at pawang mga residente ng Brgy. Ara ng nasabing bayan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Krismar Casilana, agad na dinakip ang mga suspek nang maaktuhang naglalaro ang mga ito ng ‘Tong-it’ at ‘Bet Game’ sa tatlong magkakahiwalay na mesa.
Ayon sa Hepe, unang nagkaroon ng lamay sa nasabing lugar subalit napag-alaman ng pulisya na ipinagpapatuloy pa rin ang ginagawang pagsusugal ng mga suspek kaya’t agad na nagsagawa ng operasyon ang pulisya na sanhi ng kanilang pagkakaaresto.
Nakumpiska sa lugar ang tatlong (3) set ng baraha, cash na Php1,795.00; tatlong lamesa at 24 na monoblocks.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek at sila’y papayagang pansamantalang makalaya kung makapaglagak ng kanilang piyansa.
Samantala, inamin ng Hepe na mayroon silang ilang tropa na tinamaan ng COVID-19 na kasalukuyang naka strict quarantine sa kanilang quarantine facility.