Cauayan City, Isabela-Nakapagtala ng kauna-unahang COVID-19 death case ang bayan ng Sta. Praxedes, Cagayan matapos masawi ang isang 11-months old na sanggol.
Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Esterlina Aguinaldo na magpapatupad sila ng “No to Home Quarantine” upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19 kasabay ng pananatili sa isolation units ng 22 positibong kaso sa kanilang bayan.
Ang first level contact ng mga positibo sa virus ay nananatili sa barangay isolation units habang naghihintay naman ng resulta ng swab test ang second level contact kung saan pansamantala silang nasa isang eskwelahan na ginawang extension isolation units.
Isa umanong nakikitang dahilan ng pagkalat ng virus sa lugar ay ang pagpasok at paglabas umano ng isang Authorized Persons Outside Residence (APOR) sa kanilang bayan
Iginiit pa ni Mayor Aguinaldo na nagawa pang makadalo sa isang selebrasyon ang nasabing APOR at huli na ng malaman nitong positibo pala sa virus.
Samantala, isinailalim na sa zonal lockdown ang Barangay Capaccuan kung saan 21 ang positibong kaso sa lugar.
Mahigpit naman na ipapatupad sa border checkpoint ang “No Antigen Test, No RT-PCR Test result” para sa mga papasok sa Sta. Praxedes.