Nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang mga baboy na karga ng isa sa dalawang truck na naharang sa livestock checkpoints sa Quezon City at Valenzuela City nitong Sabado.
Ayon sa Bureau of Animal Industry (BAI), batay sa resulta ng pagsusuri, 11 baboy ang nakitaan na agad ng ASF infection bago pa isagawa ang blood test.
Agad na pinatay ang mga ito at ibinaon sa central burial site bilang bahagi ng disease containment measures.
Habang nasa 38 baboy naman na mula sa isang truck ay nagnegatibo sa ASF kaya pinahintulutan ng BAI ang pagkatay sa mga ito.
Nananatiling naka-heightened surveillance ang BAI para mapigilan ang pagpasok ng mga infected na baboy sa Metro Manila.
Hinikayat naman ng Department of Agriculture (DA) ang mga hog traders at transporters na sumunod sa mga regulasyon nang maiwasan ang pagkalat lalo ng ASF.