Nagpalipas ng magdamag sa Cabuyao Police Station ang 11 na indibidwal na nagsagawa ng kilos protesta sa tapat ng Pulo Barangay Hall sa Cabuyao, Laguna.
Ito’y matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Terrorism Law.
Ang labing-isang inaresto ay pawang mga miyembro ng Karapatan Southern Tagalog, Bayan Southern Tagalog, Gabriela Southern Tagalog, Liga ng Manggagawa Para sa Regular na Hanapbuhay, STARTER-PISTON at Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan.
Nabatid na unang nagkilos protesta sa tapat ng barangay hall sa nasabing barangay ang ilang grupo na kontra sa Anti-Terrorism Law kung saan doon din muna sila dinala matapos arestuhin bago inilipat sa istasyon ng pulis.
Tatlo sa kanila ay pawang mga menor de edad kaya’t mariing kinokondena ng iba’t ibang grupo ang ginawang pag-aresto.
Giit ng mga raliyista, naging marahas ang ginawang pag-aresto sa kanila ng mga pulis kung saan payapa at maayos naman daw silang nagsagawa ng programa.
Sa ngayon, hinihintay nila ang inquest proceedings ngunit hindi pa nila alam kung anong kaso ang ipinataw ng mga awtoridad.