Kinumpirma ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad na 11 ang nawawala dahil Severe Tropical Storm Maring.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi nitong ang mga nawawala ay dahil sa landslide at pagbaha.
Ani Jalad, tatlo dito ay dahil sa landslides sa Baguio City, dalawa sa Ambiong, La Trinidad, Benguet at isa dahil din sa landslide sa Itogon, Benguet.
Sinabi pa ni Jalad na mayroon pang lima mula sa ibang lugar kung saan isa ang nawawala sa Badok, Ilocos Norte dahil sa pagbaha at apat naman ang nawawala sa Narra, Palawan dahil pa rin sa pagbaha.
Sa ngayon, 9 ang nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Maring.
Napuruhan nito ang Cordillera, MIMAROPA at iba pang lugar sa Northern Luzon.
Kasunod nito, tiniyak ni Jalad na nakaagapay ang pamahalaan sa mga apektadong residente at dadating ang tulong sa mga ito.