11 Pinoy seafarer, halos 5 buwan nang stranded sa laot ng Dongshan, China

FROM PTV/LOUISA ERISPE

Nananawagan ng tulong sa pamahalaan ang grupo ng Pinoy seaman na halos limang buwan nang stranded sa karagatang sakop ng Dongshan, Zhangzhou City sa China.

Sa isang ulat, humihiling na raw ang 11 marino na nasa loob ng barkong Ocean Star 86 na makauwi ng Pilipinas para makapiling ang kani-kanilang pamilya.

Ayon sa mga OFW, napipilitan silang uminom ng tubig na may kalawang dahil wala na silang malinis na inumin. Hindi na rin daw sapat ang supply ng pagkain doon.

Maliban dito, wala na silang natatanggap na sahod dulot ng COVID-19 pandemic at pinabayaan din umano ng kani-kanilang agency.

Batay sa regulasyon ng Tsina, hindi pinapayagan ang mga banyagang seafarer na bumaba ng barko.

Kabilang dapat ang grupo sa mga repatriated OFW noong Hulyo subalit hindi pa raw aprubado ng Embahada ng Tsina ang pagdaong ng kanilang barko kaya naiwan sila.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng OWWA at Department of Labor and Employment (DOLE) sa Department of Foreign Affairs (DFA) para agad matugunan ang kahilingan ng 11 marino.

Facebook Comments