May natitira pang 11% ng mga healthcare workers ang hindi pa rin nagpapabakuna ng COVID-19 vaccine.
Ito ang inamin ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje sa pagbusisi ng mga kongresista sa isinagawang joint hearing ng Committees on Health at Trade and Industry sa Kamara.
Ayon kay Cabotaje, 89% pa lang ng 1.8 million health workers sa bansa ang nababakunahan hanggang nitong Abril 20.
Balakid aniya sa pagpapabakuna ang agam-agam ng ilan sa mga ito o kaya naman ay hinihintay pa ang pagdating ng kanilang napupusuang brand ng bakuna.
Kaya naman patuloy ang kanilang pag-apela sa mga chief ng mga ospital at sa regional directors ng Department of Health (DOH) na magtulungan sa paghikayat sa mga health workers na magpabakuna na lalo’t sila ang humaharap sa panganib ng COVID-19.
Samantala, mayroon aniyang mga panukala sa ngayon na gawing mandatory ang pagbakuna ng mga health workers, subalit ang overriding principle pa rin aniya sa kasalukuyan ay boluntaryo pa rin dapat ang pagpapabakuna.