11 siyudad at munisipalidad, nasa ilalim ng state of calamity dahil sa magkakasunod na bagyo

COURTESY: LGU BAGAMANOC

Sakop na ng State of Calamity ang 11 na siyudad at munisipalidad dahil sa pananalasa ng Bagyong Nika, Ofel at Pepito.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) walo rito ang nasa Region 2 o province wide ng Quirino, isa sa Region 3 partikular sa Dilasag, Aurora at dalawa sa Cordillera Administrative Region (CAR) partikular sa Paracelis, Mt. Province at Aguinaldo sa Ifugao.

Kaugnay nito, patuloy ang paalala ng ahensya sa mga business establishment hinggil sa umiiral na price freeze sa mga basic necessities sa mga lugar na nakasailalim sa state calamity.


Base pa sa datos ng NDRRMC, 295,576 pamilya o mahigit 1.1 milyon indibidwal ang apektado ng magkakasunod na bagyo mula sa 3,358 na mga barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol Region at CAR.

Sa nasabing bilang, mahigit 446,000 indibdiwal ang nananatili ngayon sa halos 3,000 mga evacuation center.

Isa na ang kumpirmadong nasawi habang dalawa ang sugatan at wala namang naitalang nawawala.

Facebook Comments